PPCRV sumaklolo na sa Comelec, May 9 elections posibleng maantala

comelec bldg
Inquirer file photo

Umapela ang Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) sa Supreme Court na bigyan kaagad ng pansin ang inihaing Motion for Reconsideration ng Commission on Elections (Comelec).

Kaugnay ito sa naunang desisyon ng SC na dapat mag-isyu ng resibo ang mga vote counting machines na gagamitin sa May 9 elections.

Sinabi ni PPCRV chairperson Henrietta De Villa na pati sila ay nababahala dahil pwedeng pagmulan ng kaguluhan at vote buying ang ilalabas na resibo ng mga makinang gagamitin sa halalan.

Ipinaliwanag din ni De Villa na pinag-aralan na nila ang magiging scenario sa mismong araw ng eleksyon na posibleng abutin ng isang buong araw ang botohan.

Samantala, inilutang naman ng Comelec ang posibilidad na maantala ng ilang linggo ang eleksyon sa Mayo.

Sa isang pulong-balitaan, sinabi ni Comelec chairman Andy Bautista na kapos na sila sa oras para ihanda ang mga makina sa pag-iisyu ng resibo para sa mga boto.

Ipinaliwanag ng opisyal na batid nila na kailangang may maiproklamang mga nanalo bago ang June 30 na siyang huling araw sa pwesto ng mga incumbent elected officials.

Tiniyak naman ni Bautista na hindi mangyayari sa ilalim ng kanilang liderato ang “no election” scenario pero sa ngayon ay hindi niya maipapangako na magkakaroon ng eleksyon sa ikalawang lunes ng Mayo na siyang nakasaad sa ating Omnibus Election Code at mismong sa Saligang-Batas.

Read more...