Sinabi ni PAGASA weather specialist Ariel Rojas na huling namataan ang sentro ng bagyo sa layong 2,125 kilometers Silangan ng Central Luzon bandang 4:00 ng hapon.
Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 45 kilometers per hour malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 55 kilometers per hour.
Kumikilos ang bagyo sa direksyong Hilaga Hilagang-Kanluran sa bilis na 15 kilometers per hour.
Wala pa aniyang international name ang bagyo dahil isa pa lamang itong Tropical Depression.
Nasa gitna pa aniya ng karagatan ng bagyo.
Dahil dito, sinabi ni Rojas na wala pang magiging direktang epekto ang bagyo sa anumang bahagi ng bansa sa susunod na 24 oras.
Posibleng pumasok ang bagyo ng Philippine Area of Responsibility (PAR) sa Miyerkules ng gabi, October 28, o araw ng Huwebes, October 29.
Habang papalapit sa bansa, inaasahang lalakas pa ito at magiging Tropical Storm sa susunod na 72 oras.
Maaari ring umabot sa Severe Tropical Storm category ang bagyo bago mag-landfall.
Samantala, huli namang namataan ang Typhoon Quinta na may international name na “Molave” sa layong 310 kilometers North Northwest ng Kalayaan Islands, Palawan dakong 4:00 ng hapon.
Bagamat nasa gitna na ng West Philippine Sea, nagdadala pa rin aniya ang trough nito ng pag-ulan sa bahagi ng MIMAROPA, Western Visayas, Zamboanga Peninsula at Sulu archipelago.
Nakataas pa rin ang Signal no. 1 sa Kalayaan Islands.
Tinatahak na nito ang central part ng Vietnam.