Pangulong Duterte, binigyan ng awtorisasyon si Avisado na ilabas na ang P51-B sa Bayanihan 2

PCOO PHOTO

Binigyan na ng awtorisasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte si Budget Secretary Wendel Avisado na ilabas na ang P51 bilyong pondo sa Bayanihan to Recover as One Act (Bayanihan 2).

Pahayag ito ng Palasyo matapos punahin ng mga senador na hindi pa naire-release ang pondo sa Bayanihan 2 sa sektor ng agrikultura, turismo at paggawa dalawang buwan bago mag-expire ang batas.

Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, mailalabas ang pondo sa araw ng Martes, October 27.

Hindi na aniya dadaan sa Office of the Executive Secretary ang pondo.

“Mas mabuti po ang ginawa ng Presidente. Binigyan niya po ng delegated authority si DBM Sec. Avisado para mag-approve na ng release para hindi na po yan daraan sa Office of the Executive Secretary. Alinsunod po dito, meron pitong Departamento na mari-releasan ng pondo ngayon galing sa Bayanihan 2,” pahayag ni Roque.

Kabilang sa mga inaprubahan na ni Avisado ang:
– P100 milyong pondo sa Department of Trade and Industry para sa shared service facilities para sa Balik Probinsya, Bagong Pag-asa program
– P5 bilyong augmentation fund ng National Disaster Risk Reduction and – Management Framework (NDRRMF) fund
– P8 bilyong Camp Tupad program ng Department of Labor and Employment
– P6 na bilyon ng Department of Social Welfare and Development para sa assistance for individuals in crisis situation and sustainable livelihood program
– P11.62 bilyon ng Department of Agriculture para sa Plant, Plant, Plant program
– P20.575 bilyon para sa health-related responses ng Department of Health
– P5.1 bilyon para sa Akap program ng Department of Labor and Employment
– P500 milyon para sa local government support

Aabot sa P140 bilyong pondo at P25 bilyong standby fund ang nakapaloob sa Bayanihan 2 bilang pagresponde ng pamahalaan sa pandemya sa COVID-19.

Read more...