Ito ay matapos huminto ang Philippine Red Cross (PRC) dahil sa hindi pa nababayarang utang ng PhilHealth na halos P1 bilyon.
Ayon sa Department of Transportation (DOTr), tiniyak ng pamahalaan na tuluy pa rin ang pagsasagawa ng libreng swabbing para sa OFWs sa mga paliparan.
Narito ang mga laboratoryo na magsasagawa ng swab test:
– Lung Center of the Philippines
– Philippine Genome Hospital
– PNP Crime Laboratory
– San Lazaro Hospital
– Sta Ana Hospital
– UP National Institute for Health
– Dr. Jose N Reyes Memorial Hospital
– Jose B Lingad Memorial Hospital
– Las Pinas General Hospital
– Ospital ng Imus
– Research Institute for Tropical Medicine (RITM)
– Philippine Children’s Medical Center (PCMC)
– Central Visayas Molecular Laboratory sa Cebu
Sa pangunguna ng DOH, boluntaryong tumanggap ang mga nabanggit na laboratoryo ng kanilang quota ng sample na ipo-proseso.
Kayang makapagproseso ng mga laboratoryo ng mahigit 3,000 samples kada araw.
Sa ngayon, may 21,238 OFWs ang natugunan ng government laboratory volunteers at agad ding nakauwi sa kanilang mga tahanan sa tulong ng Hatid Probinsya Program ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).
Hinatid ang mga OFW na pauwing Visayas at Mindanao sa pamamagitan ng chartered flights habang pinasakay naman sa PITX ang mga taga-Luzon.
Tumulong ang grupo ng Information Technology (I.T.) experts sa paggawa ng Automated System para maging paperless at mapabilis ang proseso.
Nakatoka naman sa mga medical personnel ng Philippine Coast Guard (PCG) ang actual swabbing ng samples na dinadala sa iba’t ibang laboratoryo sa pamamagitan ng delivery vehicles ng CAAP at PCG.
Isinasabay naman ang swab test samples patungon Cebu sa Hatid Probinsya flights araw-araw.
Umaasiste ang Manila International Airport Authority (MIAA) at Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga personal na problema at iba pang pangangailangan ng OFWs.
Samantala, ang Department of Tourism (DOT) naman ang tumutugon sa mga pangangailangan ng mga dumarating na non-OFW.
Tiniyak ng DOTr na nagtutulong-tulong ang lahat ng ahensya ng gobyerno na itaguyod ang One Stop Shop (OSS).