Sinasabing pamimilit sa mga umuuwing OFW na kuhain ang serbisyo ng mga private laboratory para magpa swab test itinanggi

Pinasinungalingan ng One-Stop-Shop o OSS sa Ninoy Aquino International Airport ang mga alegasyon na kumakalat ngayon sa social media na pinipilit ang mga umuuwing Overseas Filipino Workers o OFW na kuhain ang serbisyo ng private RT-PCR test providers sa paliparan at magbayad ng malaki.

Sagot anila ng pamahalaan sa pamamagitan ng Overseas Workers Welfare Administration o OWWA ang RT-PCR test ng mga OFW kaya walang dapat ilabas na pera ang mga ito at nakukuha ang resulta ng pagsusuri sa loob ng dalawa hanggang tatlong araw.

Para naman anila sa hindi OFW, mayroong dalawang private laboratory na nagsasagawa ng RT-PCR test kung saan ang isa rito ay ang sa partner ng Philippine Airlines na Detoxicare Laboratory para sa Terminal 2 at ang isa naman at ang partner ng Philippine Airport Ground Support Solutions, Inc. (PAGSS) na Ph Airport Diagnostic Lab sa Terminal 1 at 3.

Nagsimula anila ang operasyon ng mga ito noong July 27 at sakop ng Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng Task Group on Management of Returning Oversease Filipinos (TG MROF).

Naniningil ang mga ito P 4000 na aprubado ng TG MROF na mayroon ding kaukulang official receipt na iniuulat at itinatala ng OSS at nakukuha naman ang resulta sa loob ng 48 oras.

Mayroon din anila ng mga extreme cases kung saan humihiling ng mas mabilis na resulta ang OFW kaya naman kinukuha ang serbisyo ng dalawang private laboratory pero dapat ito ay aptrubado muna ng OWWA.

Hinikayat naman ng OSS ang mga OFW na sapilitang pinapakuha ng serbisyo ng mga private laboratory na iulat ito sa kanila para mabigyan ng aksyon.

 

 

 

 

Read more...