Base sa 12-pahinang resolusyon, sinabi ni Asst. State Prosecutor Noel Antay Jr. na wala ng sapat na basehan para ipagpatuloy pa nila ang pag-iimbestiga sa mga kasong kidnapping at failure to return a minor na isinampa laban kay Elago kaugnay sa pagkawala ng kabataang aktibista na si Alicia Jasper Lucena.
Bukod kay Elago, kabilang din sa mga kinasuhan sina Communist Party of the Philippines founding chairman Joma Sison, National Union of People’s Lawyers member Neri Colmenares, limang opisyal ng Anakbayan at tatlong iba pa.
Sinabi pa ni Antay na walang ebidensiya na magpapatunay na nagre-recruit ang Anakbayan para maging miyembro ng CPP, National Democratic Front at NPA.
Paliwanag pa nito, kuwestiyonable rin ang kredibilidad ng dalawang rebel returnees na tumestigo para sa PNP-CIDG dahil sila ay naging miyembro ng League of Filipino Students, Makabayan at Gabriela Youth kayat wala silang personal na kaalaman sa mga aktibidad ng Anakbayan.
Nabigo rin ang PNP-CIDG na magpakita ng mga ebidensiya na magagamit para iugnay ang grupo ni Elago sa CPP, NDF at NPA.