Sen. Revilla, inulan ng mga reklamo sa RFID sa expressways
Hiniling ni Senator Ramon Revilla Jr. sa toll operators na ayusin ang sistema para sa pagpapakabit ng Radio Frequency ID (RFID) tags.
Kasunod ito ng maraming reklamo at isyu na ipinarating sa kanya ng mga motorista lalo na ang kakulangan sa installation centers at RFID stickers.
“Mukha yatang nauna ang press release bago ang aktwal na kahandaan. Kitang kita na hindi sila handa sa volume ng mga kukuha ng mga RFID. Napaka-kaunti ng mga installation centers na kadalasan, nauubusan pa ng stickers,” puna ng senador.
Ito aniya ang dahilan kayat nagsisiksikan sa installation centers ang mga motorista na delikadong sitwasyon para sa hawaan.
Idinagdag pa ni Revilla na ang mga reklamo na hindi gumagana ang RFIDs sa toll booths kayat kadalasan ay nagtatagal sa RFID lanes sa halip na mapabilis.
“The barriers won’t open. Their readers couldn’t read their tags. Nagiging kilometro ang traffic. Mas mabilis pa sa cash lanes dumaan. Meron din na magbubukas after a while, pero ‘di pa nakakalampas yung sasakyan, biglang babagsak yung barrier. Ayun, yupi ang kotse,” himutok ng senador.
Inanunsiyo ng Department of Transportation, simula sa Nobyembre 2 magiging ‘cashless’ na ang paggamit sa tollways dahil sa RFIDs.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.