“No disconnection” sa kuryente, hiniling ipatupad hanggang January 2021

Umapela sa Inter-Agency Task Force (IATF) si Ako Bicol Rep. Alfredo Garbin na atasan ang ERC at NEA na magpatupad ng “no disconnection” hanggang sa katapusan ng Enero ng susunod na taon.

Ayon kay Garbin, ito ay upang matulungan ang mga micro-small and medium enterprises (MSMEs) na hirap pa ring makabawi dahil sa pandemya.

Sa halip aniya na putulan ng serbisyo ang mga hindi makakabayad ay inirekomenda ng kongresista na palawigin ang installment payment sa kuryente hanggang sa January 31 o sa mga susunod na buwan.

Pinakikilos din ng mambabatas ang ERC at NEA na magsagawa ng motu proprio investigation patungkol sa patung-patong na reklamo sa electricity bills, mataas na bayarin, disconnection notices, at power supply interruptions.

Hinimok din ni Garbin ang mga nasabing ahensya na patawan ng parusa ang mga electricity distributor na mananamantala sa kanilang mga serbisyo at polisiya.

Read more...