Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Comelec Chairman Andres Bautista na dahil dito, maaring umabot ng alas 2:00 ng madaling araw o hanggang alas 4:00 ng madaling araw ang botohan.
Depende aniya ito sa kung gaano katagal ang pag-verify ng mga botante sa kanilang boto, sa pamamagitan ng pagbasa sa resibong lalabas sa vote counting machines (VCMs).
“7AM to 5PM po ang schedule ng botohan, pero hahaba po talaga, pwedeng umabot ng 2AM, 3AM o hanggang 4AM the following day,” ayon kay Bautista.
Sinabi ni Bautista na malaki talaga ang epekto ng nasabing SC decision sa kasalukuyang paghahanda ng Comelec sa nalalapit na May 9 elections.
Ang mandato kasi aniya ng Comelec ay hindi lang naman ang basta makapagdaos ng eleksyon kundi ang matiyak na maayos at credible ang halalan.
Umaasa pa rin ang poll body na pakikinggan ng Korte Suprema ang kanilang argumento sa isinumiteng motion for reconsideration.