“Gawa-gawang ebidensiya” kay Sen. Leila De Lima gumuguho na ayon sa minority senators

Nagpalabas ng pahayag ang tatlong minority senators kaugnay sa testimoniya ng isang financial investigator ng Anti-Money Laundering Council at digital forensic examiner ng PDEA sa kaso ni Senator Leila de Lima.

Sinabi nina Minority Leader Frank Drilon at Sens. Francis Pangilinan at Risa Hontiveros gumuguho na ang mga gawa-gagawang ebidensiya at naniniwala sila na ito na ang magiging daan para maabsuwelto at makalaya na ang kapwa nilang opposition senator.

Sa pagbibigay ng kanilang testimoniya sa ikinasang teleconferencing hearing noong nakaraang Biyernes, sinabi ni AMLC investigator Artemio Baculi Jr., hindi niya inimbestigahan si de Lima, na pagpapatunay na walang transaksyon kina Peter Co, Ronnie Dayan at sa senadora.

Sinabi pa ni Baculi sa kanyang mga pag-iimbestiga niya ng mga bank accounts, walang pera na napunta kina de Lima at sa kapwa nito akusado na si Jose Adrian Dera.

Samantala, inamin din sa korte ni PDEA Digital Forensic Examiner Krystal Caseñas na sa kanilang cellphone extraction report walang lumabas na transaksyon sa pagitan nina de Lima at Dera.

Ayon kay Atty. Boni Tacardon, abogado ni de Lima, sa mga testimonya nina Baculi at Caseñas napatunayan na walang naging koneksyon o transaksyon si De Lima sa mga nakakulong na drug lords sa Bilibid.

Hinihintay na lang ng kampo ng senadora ang desisyon ng korte sa inihain niyang dalawang motion for bail sa katuwiran na walang matibay na ebidensiya ang prosekusyon laban sa kanya.

 

 

Read more...