Mga miyembro ng LGBTQ members sakop din naman ng civil rights – Sen. Sotto

SENATE PRIB PHOTO

Para kay Senate President Vicente Sotto III hindi na kailangan pang kuwestiyunin ang mga karapatan ng mga miyembro ng LGBTQ community.

Ayon kay Sotto pantay-pantay naman ang karapatan ng lahat sa bansa.

Sinabi nito, dapat ay tumbukin na ng mga nagsusulong ng mga sinasabing karapatan ng mga LGBTQ na ang layon naman nila ay magkaroon ng same sex marriage sa bansa.

Ngunit aniya kailangan na amyendahan ang Saligang Batas at ang Family Code.

Diin ni Sotto hindi naman na sikreto sa bansa ang pagsasama ng mga magkatulad na kasarian, ito aniya ay tanggap naman na ng lipunan ngunit pag-amin din niya, ito ay may kuwestiyon sa ilan sa aspeto ng moralidad.

Dagdag pa ng senador wala naman ilegal sa pagsasama ng magkatulad ng kasarian.

Kaugnay naman sa isinusulong ni Sen. Ime Marcos na pagkakaroon ng property rights sa mga same sex relationship, giit ni Sotto malinaw naman sa batas na kung sino ang bumili siya ang may ari at kung hati sa pagbili, hati din sa pag-aari.

Aniya ang maaring mangyari ay ‘class legislation’ na posibleng palagan din naman.

Sa ngayon ay may isinusulong na SOGIE Bill sa Senado na para bigyan proteksyon ang karapatan ng mga miyembro ng LGBTQ community.

 

 

 

Read more...