“Untouchable” ang sindikato ng mga mambabatas at district engineers – “WAG KANG PIKON!” ni Jake J. Maderazo
Ako’y hindi nagtaka sa pahayag ni PACC commissioner Greco Belgica na hindi ibubulgar ang mga pangalan ng mga kongresistang kasabwat ng mga DPWH officials at mga kontratista sa mga katiwalian.
Ayon kay Belgica, tanging Presidential appointees lamang ang pwedeng siyasatin ng PACC at hindi kabilang dito ang mga mambabatas. Sabi pa ni Belgica, ang Ombudsman at NBI ang maaring magtuloy ng pagsisiyasat.
Kung susuriin, inutil naman talaga ang lahat ng administrasyon mula kay Marcos, Cory, FVR, Erap, GMA, Pnoy at maging si Duterte sa kuntsabahan ng mga DPWH officials at mga congressmen, senador tungkol sa kanilang mga pork barrel projects. Sa totoo lang, ritwal nang masasabi na kapag may bumagsak na proyekto sa distrito ng Congressman, pakikialaman niya ito o kaya’y aangkinin ang buong SOP nito.
Sa panig naman ng DPWH, kahit matino ang Cabinet secretary , pagdating sa mga congressional budget hearings, nagkakaroon ng “horsetrading- one for you one for me” ang mga opisyal ng magkabilang panig. Kadalasan, plantsado na ang bawat project. 15 o 20 porsyento kay congressman (advance pa nga ang bayaran), 5 percent si district engineer, 3 percent sa Bids and awards committee. Iyun namang mga district engineer ay nagbibigay ng parte sa kanilang mga regional directors.
Everybody happy, wag lamang manggulo ang mga kalabang kontratista o pulitiko sa mga bidding ng mga pork barrel projects. Noong araw,, mas masahol talaga. Kapag matatalo sa ang kontratista ni Cong, ire-realign o ililipat niya kaagad ang kanyang proyekto.
Pero, dahil naghigpit ang Korte suprema sa mga ganitong dribol ng mga kontrata, at “line item budgeting” na ngayon , mas lalong tumindi ang “intindihan” ni Congressman at ng paborito niyang District Engineer na kailangan ay mala-diktador ang hawak sa kanyang lugar para masiguro ang “awarding”.
Ito namang mataas na DPWH officials , walang pakialam kung may manok na kontratista ang mga kongresista. Basta ang hinahabol nila ay walang “negative slippage” o delayed ang mga project. Kapag sobrang delayed, mahigpit ang DPWH at hindi pinapasali sa kontrata ang mga “blacklisted contractors”.
Kung walang aberya , araw-araw ay pasko sa mga district offices ng DPWH, lalo na kapag naglabasan na ang mga SPECIAL ALLOTMENT RELEASE ORDERS (SARO) galing sa Department of Budget and Management (DBM). Ang karaniwang nagaasikaso ng mga”project” ni Cong. kay DE ay ang kanyang COS (Chief of staff) tulad din ng kalakaran sa mga senador.
Sa national level, iba naman ang laruan diyan. Halimbawa sa malalaking project sa DPWH , dito damang dama mo ang impluwensya ng mga pinuno at miyembro ng mga Senate at house public works committees. Pwede kasi nilang kwestyunin o i-hold ang bidding mga multi-bilyong pisong projects para lang “pumiktyur”.
Kaya talagang mahirap talagang pangalanan itong mga nangungurakot na mga kongresista , o senador na kasabwat ng mga tiwaling district engineers. Nakakalungkot lang dahil tulad ng sabi ko mula panoong edsa revolution hanggang ngayong panahon ni Duterte, wala pa ni isang “Pulitiko” o “district engineer” na nahatulan ng katiwalian saan mang korte ng ating bansa o nakulong.
Iisa lang ang sigurado, lahat ng mga pulitiko at mga kakuntsaba nilang district engineer ay tumindi ang kayamanan. Kaya nga, di na ako nagtaka nang natameme ang Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) at si Commissioner Belgica. Mas maganda pa sigurong aminin nilang hindi nila kayang basagin ang sindikato ng mga tiwaling mambabatas at DE.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.