Pagbuo ng task force na tututok sa whole-of-government approach vs korupsyon, irerekomenda ni Go
Irerekomenda ni Senador Christopher “Bong” Go kay Pangulong Rodrigo Duterte ang pagbuo ng inter-agency task force na tututok sa whole-of-government approach kontra korupsyon sa bansa.
Ayon kay Go, talamak pa rin ang korupsyon sa Department of Public Works and Highways, Bureau of Immigration, Bureau of Customs, PhilHealth pati na sa agriculture sector na laganap ang rice smuggling.
“Exasperated na po si Pangulong Duterte dahil sa korapsyon sa gobyerno. Para rin po itong pandemya na sumisira sa ating normal na pamumuhay. It is important to remove the ‘bad eggs’ para hindi na makasira pa sa serbisyo ng gobyerno o makahawa pa sa mga ibang kawani ng gobyerno na nais lang magsilbi sa kapwa Pilipino,” pahayag ni Go.
Ayon kay Go, ang bubuoing task force ay maaring isunod sa binuong task force na nag-imbestiga sa korupsyon sa PhilHealth.
Pero ayon kay Go, saklaw ng bubuoing task force ang lahat ng tanggapan ng pamahalaan at mag-ooperate hanggang sa matapos ang termino ni Pangulong Duterte sa 2022.
“Bilang isang Senador, ito ang rekomendasyon ko sa Pangulo — na mag-designate siya ng task force, katulad ng ginawa natin hinggil sa katiwalian sa PhilHealth,” pahayag ni Go.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.