BI official, inaming walang batayan ang pagpigil sa RCBC manager – Atty. Topacio.

 

Mismong ang mga opisyal ng Bureau of Immigration ang umamin umano na wala silang sapat na batayan upang pigilin ang pag-alis sana sa bansa ng manager ng RCBC na si Maia Santo-Deguito.

Ito ang isiniwalat ni Atty. Ferdinand Topacio, abugado ni Deguito na isinasangkot sa P81-milyong dolyar na money laundering scheme na naungkat kamakailan.

Ayon kay Topacio, nagawa niyang makausap si Immigration Commissioner Ronaldo Geron, at inamin nitong siya ang nagpalabas ng ‘lookout order’ para kay Dequito.

Gayunman, giit ni Topacio, walang hold-departure order na ipinalalabas upang pigilan ang pag-alis ng pamilya Dequito sa bansa.

Paliwanag pa ng abugado, labag sa karapatan ng isang indibidwal na makabyahe ang pigilin ito sa basehan lamang ng isang ‘lookout order’.

Isa aniyang matinding paglabag sa karapatan ng kanyang kliyente ang sapilitang pagpapababa sa kanyang kliyente at sa pamilya nito mula sa eroplano na bibiyahe sana sa Tokyo Japan.

Dahil aniya sa ginawa ng mga tauhan ng BI, na-trauma ang sampung taong gulang na anak ni Deguito.

Nangako rin ang abugado na isusulong ang pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa mga presonalidad na pumigil sa pag-alis ng pamilya Dequito.

Si Dequito ay ipinatatawag ng Senado dahil sa nakaambang imbestigasyon sa diumano’y pagpasok at paglabas ng $81 million na perang natangay ng mga hacker sa account ng Bank of Bangladesh sa Federal Reserve sa New York noong February.

Ang naturang pera umano ay inilipat ng mga hacker sa limang accounts sa RCBC Jupiter St., Makati Branch na pinamumunuan ni Dequito bago nailipat sa 3 casino upang i-launder o linisin.

Read more...