21 barangay sa Cagayan apektado na ng ASF
Kinumpirma ngayon ni Acting Provincial Veterinarian Dr. Noli T. Buen ng Pamahalaang Panlalawigan na apektado sa sakit na African Swine Fever (ASF) ang mga alagang baboy ng mga magsasaka sa dalawampu’t isang (21) barangay sa lalawigan ng Cagayan.
Ayon kay Dr. Buen, nadagdagan ang bilang ng mga apektadong barangay mula sa dating labing walong (18) barangay.
Umabot ngayon sa 21 barangay dahil sa patuloy ang isinasagawang pagsusuri at koleksyon ng mga blood samples ng mga baboy ng Provincial Veterinary Office (PVO).
Napasukan aniya ng virus ang barangay ng Calantac, Agani sa Alcala; La Suerte, Bayabat, Monte Alegre at Centro sa Amulung; Liwan Sur at Lanna sa Enrile; Baculud, Iguig; Warat, Piat; Parog-Parog, Palao, Maguirig, Iraga, Cadaanan sa Solana; Dagupan, Malalinta, Palca, Bugnay sa Tuao; Sta. Clara at Florishing sa Gonzaga, Cagayan.
Sa walong (8) bayan ay nasa 1,236 ang kabuuang bilang ng baboy na isinailalim sa culling o kinatay at ibinaon.
Umaabot naman sa 303 hog raisers ang tatanggap ng tulong pinansyal mula sa Pamahalaang Panlalawigan.
Nitong mga nakaraang araw ay lumarga na ang pamamahagi ng tulong sa mga nawalan ng alagang baboy sa Tuao, Amulung, Solana, Piat at Iguig. Tatlong (3) baboy na pinatay ang babayaran lamang sa halagang 3,000 bawat isang baboy.
Ipagpapatuloy ang pagbibigay ng tulong sa pangunguna ng PVO, Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO), Provincial Treasury, Provincial Office of People Empowerment (POPE) at paliwanag ni Dr. Buen na ipagpapatuloy ng PVO ang kanilang ginagawang pagkuha ng blood samples sa mga karatig na lugar na apektado ng ASF at monitoring rin sa iba pang bayan sa Cagayan.
Sinabi pa niya na patuloy at mahigpit na ipinatutupad ang checkpoints sa mga boundary ng lalawigan kaugnay sa total ban sa pagpasok ng live hogs, fresh, frozen pork at processed products sa Cagayan na mula sa ibang probinsya sa Rehiyon Dos maging sa Ilocos. Ito ay sa bisa ng Executive Order No. 24 na unang pinirmahan ni Governor Manuel N. Mamba noong September 7, 2020. Gayunman, ang EO No. 24 ay maaring amyendahan ng Gobernador kung saan ang magmumula lamang sa Ilocos Norte na mga baboy ang papayagang makapasok sa Cagayan.
Mahigpit pa rin ang pagpapatupad ng mga checkpoints na binubuo ng PNP, Livestock Technicians mula sa mga Municipal Agriculturus, Livestock Technicians ng Provincial Veterinary Office (PVO), TFLC at Marines Battalion Landing Team 10 upang matiyak ang hindi paglawak ng ASF sa lalawigan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.