Sen. Grace Poe nanawagan ng agarang tulong para sa mga ina
Sa pagpapatuloy ng nararanasang pandemiya, nanawagan si Senator Grace Poe ng suporta para sa mga ina.
Sinabi ng senadora napakahirap para sa mga ilaw ng tahanan na kumilos para sa mga gawain bahay at kasabay nito ang pagtupad ng iba pang responsibilidad sa pamilya.
“Ang mga nag-aaruga ay kailangan din ng pag-aaruga natin,”sabi ni Poe sa webinar na inorganisa ng Philippine Federation of Local Councils of Women.
Nabanggit nito na sa isang survey na isinagawa noong nakaraang buwan, 7.6 milyon Filipino ang nagsabi na sila ay nakakaranas ng gutom at kasama sa kanila ang mga buntis at mga nagpapasuso ng anak.
Batid natin ang mas sumidhing pag-asa natin sa mga kababaihan kaya’t palakasin natin ang ating suportang mekanismo para sa kanila,” sabi pa ni Poe.
Isinusulong ng senadora ang Kalusugan at Nutrisyon ng Mag-Nanay Act para sa komprehensibong nutrisyon at programang pangkalusugan para sa mga buntis at sa mga sanggol mula sa 1,000 araw.
“Ang unang isang libong araw ay mahalaga dahil habang nagbubuntis ang mga ina, dito nabubuo ang kaisipan ng mga bata. Kaya dapat siguraduhin ng mga barangay health worker ang kanilang mga bitamina, at kung kulang sila sa pagkain ay tulungan,” aniya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.