Panukala upang Secretary of Finance na ang gawing Chairman of the Board ng PhilHealth, ipinamamadali sa Kamara

Hiniling ni Ways and Means Committee Chairman at Albay Rep. Joey Salceda sa liderato ng Kamara ang counterpart bill ng Senado na nagsusulong na mailipat sa Secretary ng Finance ang Chairmanship ng Health Secretary sa PhilHealth.

Sa kanyang aide memoire na ipinadala kina House Speaker Lord Allan Velasco at Majority Leader Martin Romualdez, nais ni Salceda na bigyan ng direktiba ang Kamara para madaliin ang pagpapatibay sa House Bill 7578 o ang PhilHealth Reform Act.

Naniniwala si Salceda na ang kawalan ng ‘financial expertise’ ng PhilHealth administration ang ugat kaya nakakaladkad sa problemang pinansyal at mga katiwalian ang tanggapan.

Bukod sa pagpapalit ng Chairman sa PhilHealth board ay itinutulak din ni Salceda ang iba pang financial reforms ng state health insurer.

Kabilang dito na gawing fund manager ang Treasury Bureau para sa investment reserve fund ng PhilHealth, tanggalin ang 2-year ceiling sa fund life, pag-exempt sa OFWs sa pagbabayad ng premium at gawing progresibo ang contribution scheme kung saan matutulungan ang mga pamilyang kumikita lamang ng minimum wage.

Binibigyang mandato rin na magsagawa ng independent audit sa PhilHealth na hiwalay pa sa auditing na ginagawa ng Commission on Audit (COA) gayundin ay pinagre-report ang Presidente ng PhilHealth sa Pangulo at sa Kongreso patungkol naman sa mga solusyon na inilatag para resolbahin ang problema ng ahensya.

Read more...