Panukala upang gamitin ang pondo ng Malampaya sa pagpapalakas ng health care system ng bansa pinamamadali sa Kamara
Kinalampag ng ilang kongresista ang Kamara upang madaliin ang pag-amyenda sa Presidential Decree 910 upang mabigyan ng mas malaking pondo ang kalusugan ngayong nahaharap ang bansa sa COVID-19 pandemic.
Sa House Bill 7800 na inihain nila Manila Teachers Partylist Rep. Virgilio Lacson at 1-PACMAN Partylist Reps. Eric Pineda at Michael Romero, nais ng mga ito na amyendahan ang PD 910 para mapayagan na ang Kongreso na i-redirect at magamit ang pondo ng Malampaya sa pagsasaayos at pagpapatayo ng public health care infrastructures sa bansa.
Tinukoy ni Pineda na sa ngayon ay aabot na sa P8.6 Trillion ang utang ng bansa dahil sa pandemya na doble pa sa P4.5 Trillion na budget sa 2021.
Iginiit naman ni Lacson na mayroon pang P23 Billion na pondo ang Malampaya pero ito ay limitado lamang sa oil exploration.
Dahil dito, nanawagan ang mga kongresista kay Speaker Lord Allan Velasco na madaliin ang pagpapatibay sa panukala nang sa gayon ay magamit na sa susunod na taon ang Malampaya fund para sa pagsasaayos ng government health facilities.
Binigyang-diin pa ng mga mambabatas na ang kahinaan ng health care system sa bansa at ang nangyaring pandemya ay magsilbing aral para mas bigyang pansin ang pangangailangan ng sektor ng kalusugan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.