Bello: Mumurahin na naman ako ni presidente; bilang ng stranded na OFWs sa mga quarantine facility sa 7,000 na
Tiyak na magagalit si Pangulong Rodrigo Duterte kapag patuloy pang na-stranded sa mga quarantine facility ang mga returning overseas Filipinos.
Sa panayam ng Radyo INQUIRER, sinabi ni Labor and Employment Sec. Silvestre Bello III hindi na dapat maulit ang naging problema noon na nagtatagal sa quarantine facilities ang mga OFs dahil sa tagal ng paglalabas ng resulta ng kanilang swab test.
Sa ngayon sinabi ni Bello na pitong libong OFs na ang stranded sa nasa 126 quarantine hotel.
Dahil aniya sa paghinto ng Red Cross sa pagproseso ng swab test ng mga umuuwing OFs mula sa dating hanggang 3 araw lamang na pananatili sa quarantine hotels ay umaabot ngayon sa 6 hanggang 7 araw ang paghihintay ng resulta.
“Talagang magkakaproblema na naman tayo, magkakaroon na naman ng situation na ang modern-day heroes natin ay matetengga ng matagal sa Metro Manila. Sigurado magagalit ang ating pangulo niyan sigurado mumurahin na naman ako,” ayon kay Bello.
Dahil sa mas matagal na pananatili sa quarantine hotels, tumataas din ang gastos ng OWWA sa bayarin sa accommodation at pagkain ng mga umuuwing Pinoy.
Nakiusap naman si Bello kay Philippine Red Cross Chairman at Senator Richard Gordon na kung maari ay i-resume na ang pagproseso sa swab test ng mga OFs.
Mismong si Pangulong Duterte naman na ayon kay Bello ang nangako na babayaran ang utang ng PhilHealth sa Red Cross.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.