‘Masterminds’ ng katiwalian sa BI dapat nang matukoy; Sen. Go umapela sa NBI na bilisan ang imbestigasyon sa “Pastillas scheme”

Muling hinimok ni Senador Christopher “Bong” Go ang National Bureau of Investigation(NBI) na paspasan ang imbestigasyon sa tinaguriang ‘Pastillas’ scheme sa Bureau of Immigration(BI).

Sa kanyang manifestation sa pagdinig ng Senate Committee on Women, Children, Family relations, and gender equality, sinabi ni Go na kailangan nang matukoy at papanagutin ang mga utak sa anomalya, lalo’t hinihintay na ni Pangulong Duterte ang resulta ng mga pagsisiyasat sa umano’y ‘Pastillas scheme.’

“Sa NBI po, please work double time sa inyong imbestigasyon. Naghihintay na po ang ating mahal na Pangulo at nakahanda na po ‘yung pastillas na ipapakain niya po sa mga sangkot,” saad ni Go.

“Parati niya pong tinatanong sa akin, sino ba ‘yung mga sangkot? Gusto nating malaman, sino ba talaga ‘yung totoong sangkot dito. At itong pastillas na ito ay hindi po ito ganoon katamis at sigurado po akong mahirap lunukin ang pastillas na ito,” wika pa ng senador.

Hinikayat din ni Go, ang mga pinuno ng mga ahensiya at departamento na linisin ang kani-kanilang bakuran sa aniya’y
“systemic corruption” nang sa gayun ay mapaglingkuran ng mahusay ang mga Filipino.

“Let us not be afraid to investigate, prosecute, audit, lifestyle check, and put in jail those who must account for their transgressions. […] Nakiusap ako na hanapin ang tunay na may sala at lahat ng involved sa scheme na ito at panagutin. It has been dragging already. Kailangan pong malaman na po ng taumbayan kung ano ba talaga ang puno’t dulo dito, at sino ba ang mga may kasalanan,” giit ni Go.

Gayunman, naniniwala ang senador na may natitira pa namang mabubuting tao na naglilingkod sa BI.

Hinamon din niya si BI Commissioner Jaime Morente na linisin ang kanilang hanay sa kawanihan.

“Nandiyan rin po si Commissioner Jaime Morente, I’m challenging you na linisin mo po ang hanay o ‘yung opisina dahil mataas po ang expectation ng mahal na Pangulo sa ‘yo, kaya ka po nilagay diyan,” dagdag ni Go.

Nagpasalamat naman ang senador sa mga bagong testigo na mas nagbigay-linaw sa imbestigasyon ng senado.

“Thankfully, humarap sa komiteng ito si Immigration Officer Jeffrey Ignacio at dahil sa testimonya niya ay sana po ay maisiwalat na ang katotohanan. Kung ano lang po ang totoo, towards finding the real masterminds of this unlawful scheme,” Sabi ni Go, kasabay nang panawagan sa mga nakasaksi ng katiwalian sa BI na lumantad.

Inihayag din ng senador kung bakit hindi pa natutukoy ang
masterminds para panagutan and krimen.

“Tulad ng sinabi ko noon, kung talagang sangkot o kasabwat kayo sa mga anomalyang naganap at nagaganap dyan sa Bureau of Immigration, umamin na kayo at harapin ninyo ang parusa para dyan sa mga katiwalian ninyo,” dagdag nito.

Samantala, ikinadismaya naman ng senador na sa kabila ng bagong augmentation pay na ibinigay sa mga kawani ng immigration ay hindi pa ito naging sapat para masawata ang korapsiyon sa kawanihan.

“Noong tinanggal ang overtime pay, at nabawasan po ang compensation package ng officers, and more than 200 officers resigned, dito raw po nagsimula ma-tempt ang mga officers sa corruption,” Sabi ni Go.

“Nakakalungkot na hindi pa pala sapat ang tulong namin ni Pangulong Duterte noon para mabigyan kayo ng augmentation pay noong mawala ang inyong express lane pay. Ito pa pala ang nag-udyok sa inyo na pumasok sa kalokohan at wala pong ano mang dahilan na pumasok sa korapsyon dahil talagang galit kami ni Pangulo sa korapsyon,” dagdag nito.

Kung kinakailangan, Sabi ni Go ay kanyang irerekumenda ang pagbuo ng task force that na mag-iimbestiga ng katiwalian sa BI.

“Iyan po ang kanyang pinanghahawakan sa administrasyong ito, ang kampanya niya laban sa droga, kampanya laban sa kriminalidad, at kampanya laban sa korapsyon,” saad nito.

“At kung kakailanganin po, I will recommend again to the President na magkaroon po ng another task force,” dagdag pa niya.

Umaasa ang mambabatas na tuluyan nang matuldukan ang isyu ng korapsiyon sa BI at mapanagot ang mga maysala.

“Sana matapos na ang imbestigasyon na ito at mapatunayan na po kung sino ang may sala. Marami pa pong trabaho ang dapat nating gawin, at kailangan po ng Pilipino ang ating serbisyo.”

“Iisa lang naman po ang layunin natin dito – para sa katotohanan, at para

makapagserbisyo na tayo sa kapwa nating Pilipino,” pagtatapos ni Go.

Read more...