UPLB student binatikos ng Duterte supporters, Duterte camp nanawagan ng hinahon

By Jay Dones March 14, 2016 - 04:22 AM

 

Inquirer file photo

Nananawagan ng ‘hinahon’ ang kampo ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte sa mga taga-suporta ng alkalde  sa gitna ng dumaraming batikos laban sa isang estudyante ng University of the Philippines Los Baños na diumano’y naging ‘arogante’ sa pagtatanong sa presidential candidate kamakailan.

Inuulan ngayon ng batikos sa social media mula sa mga galit na mga Duterte supporters ang isang estudyante ng UPLB na nagpukol ng mga katanungan sa alkalde nang maging bisita ito sa isang forum sa unibersidad kamakailan.

Marami sa mga Duterte supporters ay itinuring na isang uri ng pambabastos sa alkalde ang naging istilo ng pagtatanong ng mag-aaral.

Dahil dito, marami sa mga taga-suporta ng alkalde ang mistulang ‘binu-bully ‘ at bina-‘bash’ na ang naturang estudyante at nagpapahayag ng masasakit na pananalita laban dito sa social media.

Sa mensahe ng tagapagsalita ni Duterte na si Peter Laviña, iginiit nito na ang kanilang laban ay hindi sa kapwa Pilipino kung hindi kontra sa kahirapan, korupsyon at kriminalidad at paglaganap ng ipinagbabawal na droga sa bansa.

Bagamat pinasasalamatan nila aniya ang pagpapakita ng suporta ng mga Pinoy  sa alkalde, hindi dapat aniyang humantong sa kawalan ng respeto sa kapwa ang diskusyon.

Sa video na kumakalat sa internet na kuha sa UPLB forum noong March 11, tinanong si Duterte ng isang mag-aaral kung paano nito ipapatupad ang modernisasyon ng mga kagamitan ng kapulisan sa buong bansa nang hindi naisasakripisyo ang sektor ng edukasyon.

Gayunman, habang sinasagot ng alkalde ang katanungan sa pamamagitan ng pagbibigay ng paunang ehemplo ukol sa ilang insidente ng  bombing sa Davao City, agad na itong sinabihan  ng estudyante na sagutin ng diretso ang kanyang katanungan.

Maririnig sa background ng video ang hiyawan ng mga estudyanteng dumalo sa forum matapos ang mistulang pambabara ng mag-aaral.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.