#PepitoPH, bumagal habang napanatili ang lakas nito
Bumagal ang Severe Tropical Storm Pepito habang napanatili ang lakas nito.
Batay sa huling severe weather bulletin, huling namataan ang bagyo sa layong 305 kilometers Kanluran ng Dagupan City, Pangasinan dakong 10:00 ng gabi.
Taglay pa rin nito ang lakas ng hanging aabot sa 95 kilometers per hour malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 115 kilometers per hour.
Tinatahak ng bagyo ang direksyong Timog-Kanluran sa bilis na sa 10 kilometers per hour.
Ayon sa weather bureau, wala namang lugar sa bansa ang nakataas sa storm signal.
Inaasahang lalabas ang bagyo ng Philippine Area of Responsibility (PAR) sa Huwebes ng umaga o hapon, October 22.
Bunsod nito, asahan pa rin ang mahina hanggang katamtaman na kung minsan ay malakas na buhos ng ulan sa Batanes, Babuyan Islands, Pangasinan, Zambales, Bataan, northern Aurora, Occidental Mindoro, Palawan, Western Visayas, Zamboanga Peninsula at Sulu Archipelago.
Samantala, huli namang namataan ang isa pang Tropical Depression sa labas ng bansa sa layong 1,835 kilometers East Northeast ng Extreme Northern Luzon bandang 10:00 ng gabi.
Taglay pa rin nito ang lakas ng hanging aabot sa 55 kilometers per hour malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 70 kilometers per hour.
Tinatahak ng bagyo ang direksyong Timog Timog-Kanluran sa bilis na sa 10 kilometers per hour.
Gayunman, sinabi ng weather bureau na malabong pumasok ng PAR ang bagyo.
Huli namang namataan ang sentro ng low pressure area (LPA) sa 1,780 kilometers Silangan ng Mindanao bandang 10:00 ng gabi.
Ayon sa PAGASA, maaaring pumasok ito ng teritoryo ng bansa sa Biyernes, October 23, at maging tropical depression sa darating na weekend.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.