May ayudang ibibigay si Manila Mayor Isko Moreno sa mga jeepney drivers, tricycle drivers, pedicab drivers, public market vendors at mall employees na magpopositibo sa free mass swab testing program ng Manila City government.
Ayon kay Mayor Isko, makatatanggap sila ng food assistance para mabawasan ang mga agam-agam ng mga nagpositibo patungkol sa kalagayan ng kanilang mga pamilyang naiwan sa bahay.
Tig-isang sako ng bigas at grocery items ang ipapamahagi sa bawat pamilya ng empleyadong nagpositibo sa ilalim ng isinasagawang libreng mass swab testing.
Ayon kay Mayor Isko, ang pamamahagi ng ayuda ay isang maliit na kaparaanan ng pamahalaang lungsod upang tugunan ang mga pangamba ng mga nagpopositibong nalalayo sa kanilang pamilya.
Patuloy naman ang panghihikayat ng alkade sa lahat ng napapabilang na empleyado na magpa-test para na rin sa kapanatagan ng kanilang kalooban at ng kanilang pamilya.
Samantala, umabot na sa humigit 4,000 public utility drivers, tindero ng 17 pampublikong palengke, at mall workers ang na-test nang magsimula ang libreng mass swab testing sa lungsod.