10 school bus sa Maynila, mag-iikot para magkaloob ng “Wi-Fi service”
Nasa 10 school bus o service ang inaasahang mag-iikot sa iba’t ibang lugar sa Maynila para magkaloob ng “WiFi service” sa mga residente.
Ito ay ang tinatawag na “KONEKTayo School Bus WiFi” na inilunsad ng lokal na pamahalaan ng Maynila sa pangunguna ni Mayor Isko Moreno katuwang ang isang telecommunication company.
Ang mga naturang school bus o service ay pansamantalang hindi nakakabiyahe dahil “online” na ang mga klase ng mga estudyante dahil sa banta ng COVID-19.
Kaya naman ang mga school service ang napili para muling makapag-hanapbuhay.
Sila ay magtutungo sa mga piling lugar para magsilbing “mobile WiFi Spots” o magkaroon ng WiFi connection ang mga residente lalo na sa mga lugar na may mahinang signal.
Batay sa inisyal na listahan mula sa Manila City Hall, ang mga lugar o sites na popostehan ng mga school service na may KONEKTayo ay ang mga sumusunod:
– Pasaje del Carmen St.
– Regimio St.
– Gonzalo Gil Puyat St.
– Bilibid Viejo St.
– Alfonso Mendoza St.
– Dalupan St.
– Oroqueta St.
– Basco St.
Target na makikinabang sa KONEKTayo ang mga estudyante para sa kanilang “blended distance learning.”
Ang Wi-Fi signal ay available mula 7:00 ng umaga hanggang 7:00 ng gabi, Lunes hanggang Linggo.
Libre ang unang oras na gamit ng Wi-Fi para sa mga estudyante at mga guro na nabigyan ng sim cards ng Manila LGU.
May bayad naman na hindi bababa sa P15.00 kada araw para sa mga taong patuloy na gagamit ng Wi-Fi.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.