Pasya ng SC sa DQ kay Poe, hindi dapat pagdudahan ayon kay CJ Sereno

CHIEF JUSTICE SERENO... INQUIRER PHOTO/RAFFY LERMA
CHIEF JUSTICE SERENO
INQUIRER PHOTO/RAFFY LERMA

Para kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno, walang lugar para sa pag-aalinlangan o pagdududa ang majority ruling ng Korte Suprema na ibasura ang disqualification laban kay Presidential candidate at Senator Grace Poe.

Ito ang sinabi ni Sereno sa gitna ng pag-iingay ng mga kontra sa pasya ng Kataas taasang Hukuman na baligtarin ang naunang desisyon ng Commission on Elections o Comelec na kanselahin ang certificate of candidacy o COC ni Poe.

Sa kanyang extensive concurring opinion, sinagot ni Sereno ang ilang mga katanungan kung gaano naninindigan ang Mataas na Hukuman hinggil sa natural-born status at 10-year residency ng Senadora.

Batay sa SC ruling, inabuso ng Comelec ang diskresyon nito nang kanselahin ang COC ni Poe.

Bagama’t hindi nagbanggit ng pangalan, inihalimbawa ni Sereno ang isang ‘dissenting opinion’ ng isang Mahistrado na nagpalabas na mahina ang majority ruling ng Supreme Court.

Ani Sereno, mas binigyang timbang ng naturang ‘dissent’ ang boto ng limang Mahistrado na hindi kwalipikado si Poe na maging Presidential candidate, habang binalewala ang boto ng siyam na Mahistrado na nagsasabing kwalipikado si Poe.

Sa kabila nito, igiit ni Sereno na sa botong 9-5, wala nang ‘legal impediment’ si Poe sa pagtakbo sa pampanguluhang halalan sa May 9.

 

Read more...