Matapos aprubahan ng binuong committee of the whole ang House Bill 7884 agad isinalang isinalang sa viva voce voting at pinagtibay ito sa 2nd reading.
Sa ilalim ng panukala, bibigyan ng otoridad ang Pangulo na paikliin ang oras o araw ng pagproseso o kayay suspendihin muna ang mga requirements para sa national and local permits, licenses at certifications, upang mapabilis ang pag-isyu sa mga ito tuwing may national emergency tulad na lamang ng COVID-19 pandemic.
Sakop ng panukala ang lahat ng ahensya sa ehekutibo, kabilang na ang departments, bureaus, offices, commissions, boards, councils, government instrumentalities, at government owned and controlled corporations.
Nakasaad dito na hindi makompromiso ang pagproseso sa mga dokumento na may kinalaman sa pangangalaga sa kalikasan tulad na lamang ng safeguard sa protected areas, buffer zones at environmentally critical areas.
Inaasahang ipapasa sa ikatlo at huling pagbasa ng Kamara ang panukala ngayong araw bago matapos ang special session na ipinatawag ni Pangulong Duterte.