Kopya ng aprubadong 2021 General Appropriations Bill hindi agad maipapasa sa Senado

Hindi pa kaagad maipapasa ng Mababang Kapulungan ng Kongreso sa Senado ang naka-imprentang kopya ng aprubadong 2021 General Appropriations Bill.

Ayon kay House Committee on Appropriations chairman Rep. Eric Go Yap, November 2 ang pinakamaagang kaya nilang maipadala ang kopya sa Mataas na Kapulungan.

Paliwanag ni Yap, ngayong araw pa maaaprubahan sa ikalawa at ikatlong pagbasa ang panukalang national budget at hanggang bukas din ang deadline nito sa mga ahensya ng gobyerno upang magsumite ng kanilang amendments.

Sa Lunes ay isang special team aniya ang susuri sa mga isinumiteng pag-amyenda at kasunod na nito ang pag-e-encode na aabutin ng limang araw.
Tatagal naman ng sampung araw ang pagpapa-imprenta sa National Printing Office.

Sinabi ni Yap na pupuwedeng kayanin na maihabol sa Nobyembre 2 ang pagsusumite ng kopya ng 2021 GAB sa Senado para mayroon pang isang linggo bago ang pagbubukas ng sesyon ng Mataas na Kapulungan sa Nobyembre 9.

Kasabay nito, iginiit ni Yap na hindi nila pinatatagal ang pagsusumite ng GAB para lamang magkaroon ng budget insertions ang mga kongresista.

Diin ni Yap, walang kongresista ang pupuwedeng magbigay ng insertions ngayon dahil ang lahat ng amendments na gusto ng mga mambabatas ay idinadaan sa mga ahensya ng pamahalaan.

Naniniwala rin si Yap na kahit naman sa Nobyembre 5 maipasa sa Senado ang kopya ng 2021 GAB ay hindi ito magiging dahilan para magkaroon ng re-enacted budget.

Read more...