Ito ang inanunsiyo ni Food and Drug Administration (FDA) Dir. Gen. Eric Domingo na aniya, lusot na sa vaccine experts panel na pinamumunuan ng Department of Science and Technology ang Sinovac.
Ngunit ayon kay Domingo, kailangan pa ring makuha ng Sinovac ang pag-apruba ng Ethics Board Committee bago ito makahirit sa FDA ng pagkasa ng clinical trials.
Paliwanag nito, kapag lumusot na rin sa Ethics Board ang Sinovac, pag-aaralan nila ng hanggang tatlong linggo ang aplikasyon ng Sinovac.
Dagdag pa ng opisyal, kung walang magiging aberya, maaring sa Nobyembre ay maumpisahan na ang clinical trials.
Bukod sa Sinovac, interesado rin ang Gamaleya Research Institute ng Russia at ang Jannsen Pharmaceutical Companies ng Johnson & Johnson mula sa US na makapagsagawa ng clinical trials sa Pilipinas ang kanilang bakuna kontra sa nakakamatay na sakit.