Pangulong Duterte, tiwala pa rin kay Sec. Villar

Kuha ni Chona Yu

Buo pa rin ang tiwala at kumpiyansa ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Public Works Secretary Mark Villar.

Pahayag ito ng Palasyo ng Malakanyang sa gitna ng sinabi ni Pangulong Duterte na talamak ang korupsyon sa DPWH lalo na sa hanay ng project engineers.

Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, hindi naniniwala si Pangulong Duterte na sangkot sa katiwalian si Villar kundi ang ibang tauhan lamang ng DPWH.

Dagdag ni Roque, hindi na kailangan ni Villar na mangurakot dahil maaring mas marami pang pera ang kanyang pamilya kaysa sa budget ng DPWH.

Nakita rin naman aniya ng Pangulo na nakapag-deliver si Villar ng mga inaasahang trabaho nito.

“Ay, full trust and confidence po (si Presidente) kay Secretary Villar dahil despite the corruption in DPWH, naka-deliver po si Secretary Villar. It helps na mas marami pang pera ang pamilya ni Sec. Villar kaysa sa DPWH,” ani Roque.

Ayon kay Roque, kung nakapagbitiw man si Pangulong Duterte ng naturang mensahe, nanganganulugan lamang ito na hindi dapat na magpakampante ang mga opisyal ng pamahalaan dahil gugugulin niya ang natitira niyang panahon ng termino para linisin ang korapsyon sa gobyerno.

“Pero aside from that point, hinahiglight lang naman talaga ni Presidente yung mga paghaman sa natitirang taon sa kanyang termino. At ang pangako naman po ni Presidente igugugol talaga niya itong natitirang panahon para labanan ang korapsyon sa lahat departamento ng gobyerno lalong lalo na siguro po sa PhilHealth at DPWH,” aniya pa.

Kaugnay nito, sinabi ni Roque na hindi naman malayo ang posibilidad na magpatawag din ng isang imbestigasyon ang Pangulo para silipin ang korapsyon sa DPWH.

Gayunpaman, sinabi ni Roque na sa ngayon, nakatutok pa ang Pangulo sa problema sa PhilHealth.

“Posibleng gawin po ‘yan pero hayaan na muna natin ‘yan dahil sa ngayon po nakatutok pa sa PhilHealth ang Presidente,” dagdag pa nito.

Read more...