Nalugod si Vice President Leni Robredo na agad nakalusot sa plenaryo ng Kamara ang budget ng kanyang opisina para sa susunod na taon.
Sinabi ni Atty. Barry Gutierrez, ang tagapagsalita ng Office of the Vice President, nagpapasalamat sila dahil naging maayos at mabilis ang pagtalakay ng kanilang budget sa Mababang Kapulungan.
Unang humirit ang OVP ng P723.39-million 2021 budget ngunit kinaltasan ito ng Department of Budget at ibinaba na lang sa halos P680 million na mababa pa sa budget nila sa taong 2020 na P708 million.
Katuwiran ng OVP, ang nawalang halaga ay para dapat sa pagbili nila ng mga bagong sasakyan at para na rin sa research and development.
Ngunit sabi din ni Gutierrez, magandang hakbang na rin ang nangyari sa Kamara dahil tiyak na maipapagpatuloy nila ang kanilang mga proyekto at programa.
Muli din iginawad ng Commission on Audit sa OVP ang pinakamataas na ‘audit rating’ dahil sa masinop na paggamit ng pondo.