Tulong ng gobyerno sa pagbibigay ng 13th month pay, ikokonsidera
Noong Martes, October 13, nagpulong ang National Tripartite Industrial Peace Council para pag-usapan ang pagbibigay ng 13th month pay ng mga negosyante sa kanilang mga kawani o manggagawa.
Ang konseho ay binubuo ng mga negosyante at grupo ng mga manggagawa.
Sinabi ni Labor Secretary Silvestre Bello III na hindi pumayag ang mga manggagawa na hindi mabigyan ng 13th month pay at ang mga negosyante naman ay sinabing gusto man nilang masunod ang nakasaad sa PD 851 ngunit hindi nila kakayanin dahil sa pagkalugi.
Kayat ayon kay Bello, ikinokonsidera niya ang panukala ng mga negosyante na tulungan sila ng gobyerno na maibigay ang nais ng mga manggagawa.
Ayon sa kalihim, magpapatulong siya kay Trade Secretary Ramon Lopez para kumbinsihin si Finance Secretary Carlos Dominguez sa nais ng mga naluging negosyante.
Umaasa ito na pagbibigyan sila ni Dominguez para tulungan ang mga kumpaniya sa pagbibigay ng 13th month pay.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.