Dating Speaker Cayetano pinatalsik at hindi nagbitiw sa puwesto
Iginiit ni Deputy Speaker at 1PACMAN Rep. Mikee Romero na pinatalsik at hindi nagresign si Taguig Rep. Alan Peter Cayetano.
Ayon kay Romero, bago pa man ito maghain ng kanyang “irrevocable resignation,” si Cayetano ay napatalsik na sa naunang isinagawang botohan ng mga kongresista sa Celebrity Sports Plaza.
Malinaw aniya sa isinagawang sesyon noong Lunes, October 12, na may mosyon na ipadeklarang bakante ang posisyon ng House Speaker na sinundan agad ng nominasyon at botohan kay Velasco na maging bagong Speaker ng Mababang Kapulungan.
Matatandaan naman na una sa mga kaalyado ni Velasco na tinanggal sa pwesto bilang Deputy Speaker si Romero.
Magugunitang matapos ratipikahan sa Kamara ang 186 votes para iluklok na House Speaker si Marinduque Rep. Lord Allan Velasco ay sinabayan din ito ni Cayetano ng kanyang Facebook live kung saan inanunsyo nito na siya ay nagbibitiw na bilang Speaker.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.