Nasa 100 porsyento nang kumpleto ang bagong passenger terminal building (PTB) ng Clark International Airport (CRK), ayon sa Department of Transportation (DOTr).
Ang naturang proyekto ay nasa ilalim ng “Build, Build, Build” Infrastructure Program ng Duterte Administration.
Natapos ang airport expansion project para sa naturang paliparan sa pagtatapos ng buwan ng Setyembre.
Mas maaga ito kumpara sa orihiral na target completion date sa buwan ng Oktubre.
Sa kabila ng COVID-19 pandemic, tiniyak ng kagawaran katuwang ang Bases Conversion and Development Authority (The BCDA Group), at GMR Megawide na umusad ang konstruksyon habang sinusunod ang istriktong health and safety protocols.
Inaasahang magiging operational ang bagong PTB ng Clark International Airport sa January 2021.
Oras na maging operational, inaasahang tataas hanggang 12.2 milyon ang bilang ng mga pasahero kada taon, triple ito mula sa kasalukuyang 4.2 milyon.
Makatutulong din ang proyekto upang ma-decongest ang passenger traffic sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).