Pagluklok kay Marinduque Rep. Lord Allan Velasco bilang House Speaker naratipikahan na

(UPDATE) Niratipikahan na ng 186 na mga mambabatas ang pagkakaluklok kay Marinduque Rep. Lord Allan Velasco bilang house speaker ng Kamara.

Ginawa ito sa pamamagitan ng nominal voting sa sesyon na idinaos sa plenaryo ng Kamara.

Sa botong 186 kinilala ng Kamara ang naging botohan kahapon sa Quezon City Sports Club na nagluklok kay Velasco.

Bago ito, nahirapang makapasok ang mga kongresista sa plenaryo ng Kamara dahil naka-lock ang mga pintuan papasok dito.

Kinailangan pang umakyat sa second floor ang karamihan sa kongresista upang makapasok sa plenaryo.

Matapos makipag-usap kay outgoing House Sergeant at Arms Ramon Apolinario ay nabuksan din ang plenaryo at nakapasok ang mga kongresista kabilang si Velasco.

Sa kauna-unahang pagkakataon bilang House Speaker ay nakatuntong sa Speaker’s rostrum si Velasco bilang pinuno ng Kamara.

Sa kaniyang talumpati ay nagpasalamat si Velasco sa suporta ng mga kapwa niya mambabatas.

Tiniyak ni Velasco na tatalima sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na agad mag-resume sa deliberasyon ng 2021 proposed national budget.

Siniguro din nitong hindi magkakaroon ng delay sa pagpasa ng budget.

 

 

Read more...