Chinese citizen, 4 Filipino wanted sa ‘Telco investment scam’
Pinaghahanap ng awtoridad ang isang Chinese citizen at apat na Filipinong kasabwat nito dahil sa isang pinaniwalaang ‘Telco investment scam.’
Nagpalabas na ng warrant of arrest si Pasay City Judge Rowena Nieves Tan, RTC Branch 118, laban kina Neng Shen Sy, ang Chinese national; Mark Glenn Sy, Felisa Sy, Stephen Sha at Ronald Fesalbon, dahil sa kasong syndicated estafa.
Walang inirekomendang piyansa ang hukuman para sa lima.
Nagpakilala ang lima na mga may-ari at kinatawan ng Pil-Chi Telecoms Inc., na may opisina sa Investment Center, Juan Luna St., sa Binondo, Maynila.
Base sa record ng korte, isang negosyanteng Chinese ang hinikayat ng lima na mamuhunan sa sisimulang bagong network provider sa bansa.
Sa pakikipag-usap ng lima, sinabi ng mga ito na namuhunan na si Neng ng kalahating bilyong piso para sa sisimulang negosyo at bahagi nito ay ipinambayad na ng 25 taon prangkisa mula sa Kongreso.
Pinagkatiwalaan ng negosyante ang limang suspek at naglagak ito ng kabuuang P100 milyon.
Pinaniniwalaan na may iba pang mga naloko ang mga suspek at hinihikayat ang mga ito na maghain ng kaso laban sa lima.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.