Proteksyon sa sexual assault sa mga babaeng preso, detenido itinutulak ni Sen. de Lima

Matapos mabunyag ang diumanoy panghahalay kay dating Ozamiz City Vice Mayor Nova Princess sa loob mismo ng PNP Custodial Center sa Camp Crame, muling itinulak ni Sen. Leila de Lima ang panukala niyang magbibigay proteksyon sa mga babae sa mga kulungan.

Ayon kay de Lima 2017 nang una niyang inihain ang Women in State Custody Act at muli niya itong isinampa ngayon 18th Congress bilang Senate Bill No. 378.

Paliwanag ng senadora, layon ng kanyang panukala na protektahan ang mga babaeng preso o detenido laban sa lahat ng uri ng pang-aabusong sekswal.

Kayat panawagan niya sa mga kapwa senador, suportahan ang kanyang panukala para maimbestigahan na rin ang mga nangyayaring violence against women (VAW) sa mga kulungan.

“Walang ibang matakbuhan ang mga kababaihang detainess kaya nananahimik na lang ang marami sa sa kanila. Kayat tuloy tuloy ang pang-aabuso hanggang sa nagiging bahagi na ito ng kultura sa mga kulungan sa ating bansa,” sabi ng senadora.

Mahigit tatlong taon na rin nakakulong sa PNP Custodial Center ang senadora.

Read more...