Pagpapatawag special session at pagdedeklarang urgent ng pangulo sa General Appropriations Bill of 2021 welcome sa Kamara

Welcome para kay House Speaker Alan Peter Cayetano ang pagpapatawag ni Pangulong Rodrigo Duterte ng Special Session ng Kongreso mula October 13 hanggang 16.

Ayon kay Cayetano, nagtitiwala sila sa ’wisdom’ ng pangulo upang masolusyunan ang isyu sa panukalang pondo sa susunod na taon.

Pinasalamatan din nito ang punong ehekutibo sa patuloy na pagtitiwala sa Kongreso para maipasa ang General Appropriations Bill na malayo sa pamumulitika at intriga.

Para naman kay House Appropriations Vice Chairman at Albay Rep. Joey Salceda, malinaw anya ang kautusan ng pangulo na madaliin na ang pagpapatibay sa pambansang pondo.

Sinabi pa ni Salceda na miyembro ng small committee at kapartido ng pangulo na ang pahayag na ito ng punong ehekutibo ay senyales na walang pinapalagpas ang Presidente na pagkakataon para maaprubahan ng tama at walang delay ang 2021 budget.

Binibigyan din aniya ng panahon ang Kamara na aprubahan ang 2021 budget sa ikatlo at huling pagbasa nang sa gayon ay maisumite na ito sa Senado.

Hindi rin aniya kakayanin na mabinbin ang pagapruba sa pambansang pondo lalo pa’t nilalaman nito ang stimulus na pantugon laban sa COVID-19.

Suportado naman ng minority bloc sa Kamara ang hakbang ng pangulo.

Binibigyang-diin lamang anya nito ang kahalagahan ng pagpasa ng budget ‘on time’ upang matugunan ang epekto ng COVID-19 pandemic.

Sa ilalim ng Saligang Batas, ang lahat ng mga batas ukol sa pondo ay kailangang magmula muna sa Mababang Kapulungan ng Kongreso bago maiakyat sa Senado.

Nakasaad din sa 1987 Constitution na kapag idineklarang urgent ng pangulo ang isang panukala maari ng ipasa ito nang hindi na kinakailangan pa ng pagbasa sa magkaka-ibang araw.

Read more...