Mga kongresista sana sumunod sa bilin ni Pangulong Duterte – Sen. Sotto
Umaasa si Senate President Vicente Sotto III na nakuha ng mga miyembro ng Mababang Kapulungan ang mensahe ng pahayag kagabi ni Pangulong Duterte.
Nagbilin si Pangulong Duterte sa mga kongresista na ayusin ang kanilang awayan at ipasa ang 2021 proposed national budget ayon sa Konstitusyon o siya na ang gagawa ng paraan.
Ipinagdiinan nito na kung hindi masosolusyonan ang isyu sa pagitan ng mga miyembro ng Kamara ay siya na ang reresolba.
Ibinahagi din ni Sotto na tinanggap na niya ang paghingi sa mga senador ni House Speaker Alan Peter Cayetano hinggil sa pahayag nito na kasalanan na ng Senado kung hindi maipapasa sa tamang oras ang 2021 national budget.
Sinabi nito na nangako sa kanya si Cayetano na ipapadala sa Senado ang kopya ng budget books ng mga ahensiya bago pa nila ipapasa sa 3rd reading ang General Appropriations Bill.
Aminado si Sotto na malaking tulong sa kanilang mga senador, lalo na kay Sen. Sonny Angara, na siyang namumuno sa Finance Committee kung matutupad ni Cayetano ang kanyang pangako.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.