Nagbabala si Senator Christopher Go sa posibleng maging epekto sa bansa kung paiiralin ang ‘reenacted budget’ sa susunod na taon.
Aniya dapat ipasa ang pambansang budget na angkop sa pagtugon sa mga pangangailangan ng sambayanan sa gitna ng pakikipaglaban sa pandemiya.
Sinabi ng senador nakapaloob sa hinihinging budget sa susunod na taon ang gagastusin sa pagtugon ng gobyerno sa pandemiya, lalo sa sistemang pangkalusugan at pagbangon ng ekonomiya.
Dagdag pa nito, huhugutin din sa pambansang pondo ang kakailanganin para masuportahan ang kabuhayan ng mamamayan.
Ayon kay Go hihilingin niya kay Pangulong Duterte na sertipikahan bilang ‘urgent’ ang General Appropriations Bill.
Nagbabala siya na bilyon-bilyon piso kada araw ang masasayang kapag pinairal lang ang reenacted budget dahil sa awayan at pagsisihan ng mga kapwa mambabatas.