Nag-sorry si House Speaker Alan Peter Cayetano sa Senado kaugnay sa kanyang pahayag na kapag nadelay ang pagpasa sa P4.5T 2021 national budget ay ang mataas na kapulungan ang dapat sisihin.
Ayon kay Cayetano, tumawag siya kay Sotto at ipinaaabot niya sa buong Senado ang paumahin kung ang dating ng mga sinabi ay parang magkakaroon ng delay sa budget.
Nilinaw anya nito kay Sotto na hindi siya naninisi pero kung magkaroon man ng “reenacted budget” ay hindi ito sa parte ng Mababang Kapulungan.
Batid pa ng Speaker na hindi ito maliit na bagay kaya naman aayusin ang isyu sa pagsalang ng 2021 budget sa bicameral conference committee.
Sa kabila aniya ng mga hindi pagkakasunduan ay maguusap ang Kamara at Senado sa November 17 na siya ring petsa na isusumite ng Mababang Kapulungan ang kopya ng final approval ng 2021 national budget.
Naunang umalma si Senate President Tito Sotto III sa pahayag ni Cayetano sa kanyang Facebook Live kahapon na kung magkaroon man ng delay sa pagpapatibay o reenactment ng P4.5 Trillion 2021 national budget ay kasalanan na ito ng Senado at hindi ng Kamara.
Samantala, tiniyak ni Cayetano na kahit walang sesyon ay nagtatrabaho pa rin ang Kamara kung saan sa Lunes ay magco-convene ang binuong small committee para ayusin ang mga amendments sa pambansang pondo.