Kumpiyansa ang Palasyo ng Malakanyang na kakayanin ng Civil Service Commission ang online civil service examinations.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, kung kinakailangan, kakalampagin ng Palasyo ang mga kumpanya ng telekomunikasyon para masiguro na magiging maayos ang linya nito.
“Kaya po yan, kakayanin po natin yan. Kung kinakailangan natin kalampagin ang mga telecoms company, gagawin po natin yan dahil tinanong naman ng Presidente, ano bang problema niyo? Kulang daw ng telecoms towers. Ang ginawa ni Presidente, sinabihan lahat ng mga lokal na opisyales, pag hindi ninyo pinayagan tumayo yan, lagot kayo sa akin. So wala na pong magiging dahilan ang telecoms company kung hindi nila ma-improve ang ating telecoms facilities at connectivity,” pahayag ni Roque.
Kinakailangan aniya na makaagapay ang pamahalaan habang may pandemya sa COVID-19.
“Tingin ko po kabahagi na yan ng new normal. Hindi na po tayo puwede maghantay ng bakuna at gamot bago tayo bumalik sa normal na buhay. Tingin ko po habang nandyan ang teknolohiya, gamitin natin, lalong lalo na napakadami po natin hinahanap na manggagawa sa gobyerno at napakarami ring nawalan ng trabaho dahil sa COVID-19,” pahayag ni Roque.
Una rito, sinabi ng CSC na maaring gawin nang online ang eksaminasyon para makaiwas ang taong bayan sa sakit na COVID-19.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.