Pahayag ito ng Palasyo matapos magbabala ang Department of Health (DOH) sa posibilidad na magkaroon ng outbreak sa tigdas sa susunod na taon.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, malinaw ang mensahe ni Pangulong Rodrigo Duterte na huwag katakutan ang bakuna.
Ligtas at subok na aniya ang bakuna kontra tigdas.
Katunayan, sinabi ni Roque na ang bakuna sa tigdas ang isa sa mga pinakaluma at pinakamaagang ginagamit sa Pilipinas.
“Itong bakuna naman po sa measles, isa na ito sa pinakaluma at pinakamaagang ginagamit na natin. Bakit pa po natin i-expose sa aberya ating mga minamahal sa buhay na mga chikiting eh samantalang mayroon naman po tayong tried and proven na bakuna laban diyan. Naiintindihan po namin ang takot ninyo sa panahon ng COVID-19 at dahil marami kasi talagang nagkalat ng lagim ‘no doon sa mga ibang mga bakuna. Pero itong measles naman po, matagal na pong ginagamit iyan so wala po kayong dapat ikatakot ‘no,” pahayag ni Roque.
Sinabi pa ni Roque na libre din naman ang bakuna kontra tigdas.
“Libre po ang vaccine o bakuna para po sa measles. Pabakunahan na po natin ang ating mga chikiting,” pahayag ni Roque.