‘Emergency Power’ Bill para sa pangulo ng bansa inilatag ni Sen. Migz Zubiri sa Senado
Ipinaliwanag na sa plenaryo ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri ang Senate Bill No. 1844 na layon bigyan kapangyarihan ang pangulo ng bansa na pabilisin ang pag-iisyu ng national and local permits, licenses at certifications sa tuwing may national emergency.
Sa kanyang sponsorship speech, sinabi ni Zubiri na masakit para sa kanya bilang author ng Ease of Doing Business and Efficient Government Service Delivery Act of 2018 na nagpapatuloy ang ‘red tape’ kahit nasa gitna ng pandemiya ang bansa.
Ipinaghimutok nito ang pagbagal ng pagbibigay serbisyo maging ang pamamahagi ng tulong dahil sa red tape sa burukrasya.
Ipinunto nito ang isyu sa telecommunications infrastructures na dahil sa red tape ay nagtatagal ang pagpapatayo ng communication towers, na napakahalaga para sa maasahan at mabilis na komunikasyon at koordinasyon.
Paliwanag ni Zubiri sa kanyang panukala bibigyang kapangyarihan ang pangulo ng bansa na pabilisin ang pag-iisyu ng permits, lisensiya at sertipikasyon na kakailanganin sa mga gagawing hakbang.
Awtor din ng panukala sina Senate President Vicente Sotto III, Pro Tempore Ralph Recto, Minority Leader Frank Drilon at Sen. Panfilo Lacson.
Nagpahayag naman na ng suporta sina Sens. Ramon Revilla Jr., Christopher Go, Ronald dela Rosa, Manny Pacquiao, Pia Cayetano, Joel Villanueva at Richard Gordon.
Una nang naghimutok si Pangulong Duterte at sinabi nito na labis labis ang kanyang pagkadismaya sa nagpapatuloy na korapsyon sa bansa.
Paliwanag ni Zubiri sa kanyang panukala, magkakaroon ng kapangyarihan ang pangulo ng bansa na tanggalin o suspindihin ang mga taga-gobyerno na iipit sa mga kinakailangang permits, lisensiya at sertipikasyon ng walang sapat na dahilan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.