Sec. Roque, natuwa sa mga Facebook meme sa kanyang pagbisita sa Boracay

Photo grab from Sec. Harry Roque’s Facebook account

Sa halip na mapikon, natutuwa si Presidential Spokesman Harry Roque sa mga meme sa Facebook matapos ang pagbisita sa isla ng Boracay kamakailan.

Kumakalat kasi ngayon sa Facebook ang litrato ni Roque sa Boracay na in-edit at nilagyan sa larawan ng Japanese sports manga series na Slam Dunk, UAAP cheering squad, Avengers pati na ang sikat na basketball player na si LeBron James.

Ayon kay Roque, natatawa na lamang siya sa mga meme.

“Hindi po. Sa panahon ng pandemiya eh natutuwa ako na kahit papano meron tayong kontribusyon para maaliw ang ating mga kababayan,” pahayag ni Roque.

Pinakapaborito ni Roque ang meme kasama ang Avengers.

“Mas maganda ‘yung kasama ko ang mga Avengers. Kamukha din ako ng mga Avengers. Kasing katawan ng mga Avengers,” pahayag ni Roque.

Kailangan aniya ngayon ng kaunting aliw habang may pandemya.

“Kailangan po talaga natin na magkaroon ng konting aliw dahil alam niyo naman ang mensahe ng Presidente, bagamat nandiyan ang Covid-19 kaya po natin mabuhay inspite and despite, pag-ingatan lang ang ating buhay para tayo ay makapaghanapbuhay,” pahayag ni Roque.

Read more...