Ayon kay Deputy Speaker Neptali Gonzales II, ang sinasabi lamang ng Konstitusyon para maipasa ang isang batas ay ang pagbasa nito sa magkakahiwalay na araw maliban na lamang kung sinertipikahang urgent ng Pangulo.
Sa Mababang Kapulungan din ng Kongreso, nagsimula ang panukala para sa budget na sinasabi sa Saligang Batas.
Nakasaad din aniya sa House rules ang pinagbatayan ni Cayetano para sa mabilis na pagapruba sa pambansang pondo partikular ang Section 55.
Hindi rin aniya minadali o sinagasaan ang proseso ng pagpapasa sa budget dahil kahit naman wala ang naging mosyon, araw ng Martes (October 6), ni Cayetano ay aabutin pa rin ng dalawa hanggang tatlong linggo bago ito ma-i-print at pagtibayin sa huling pagbasa.
Dinepensahan din ni Gonzales ang pagkakalikha ng small committee para sa individual at committee amendments dahil lagi naman itong ginagawa at binubuo sa ilalim ng Appropriations panel na humahawak ng national budget.