Paraan upang iparating sa kani-kanyang pamilya ang kalagayang pangkalusugan ng mga inmate inilatag na ng DOJ
Mayroon ng mekanismo ang Department of Justice (DOJ) at ang Bureau of Corrections (BuCor) upang iparating sa pamilya ng mga persons deprived of liberty (PDLs) ang kanilang kalagayan sa loob ng bilibid.
Sa budget deliberation sa Kamara, sinabi ni Appropriations Vice Chairman Jose Antonio Sy-Alvarado na sponsor ng 2021 budget ng DOJ na gumagamit na ng teknolohiya tulad ng CCTV at tablets para makapag-usap at makita ng mga pamilya ng mga PDLs ang sitwasyon ng mga kaanak lalo na ang kanilang kalusugan.
Hiniling naman ni Bayan Muna Rep. Ferdinand Gaite na gawing “uniform” ang polisiyang ito dahil may ilang bilangguan ang hindi consistent at paiba-iba ang alituntuning ipinapatupad.
Samantala, hindi muna pinapahintulutan ng DOJ at BuCor ang pagpasok ng mga essentials tulad ng gamot mula sa ipinapadala ng mga kaanak ng mga PDL pero tiniyak na naibibigay sa mga nagkasakit na inmates ng COVID-19 ang mga kinakailangang gamutan para sa kanilang paggaling.
Mahigpit din aniyang sinusunod ng mga ahensya ang inilatag na protocols ng Department of Health (DOH) para masugpo ang pandemya at maiwasan ang hawaan ng sakit sa kulungan.
Dagdag pa dito, ang mga PDLs na nasawi sa coronavirus disease ay ipinapaalam agad sa pamilya at sa pamamagitan ng e-burol ay nakapagluluksa ang mga kapamilya bago ito i-cremate.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.