LPA sa loob ng bansa, posibleng malusaw sa susunod na 48 oras
Patuloy na binabantayan ng PAGASA ang ilang weather system sa bansa.
Ayon kay PAGASA weather specialist Ariel Rojas, huling namataan ang isang low pressure area (LPA) sa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR) sa layong 480 kilometers Silangan ng Infanta, Quezon bandang 3:00 ng hapon.
Mababa pa rin aniya ang tsansa na maging bagyo ang LPA.
Posible rin aniyang malusaw ang LPA sa susunod na 48 oras.
Ani Rojas, patuloy itong magdadala ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan sa Silangang bahagi ng Northern, Central at Southern Luzon.
Umiiral naman ang Southwest Monsoon o Habagat sa Kanlurang bahagi ng Southern Luzon, Visayas at Mindanao.
Dahil dito, asahang makararanas pa rin ng pag-ulan sa Palawan, Zamboanga Peninsula, at Sulu archipelago.
Nakakaapekto naman ang Northeasterly surface windflow sa Northern Luzon. Ngunit, ani Rohas, hindi inaasahang magdadala ito ng malakas na pag-ulan.
Samantala, patuloy pa ring binabantayan ng weather bureau ang Tropical Storm sa labas ng bansa na may international name na “Chan-Hom.”
Huling namataan ang bagyo sa layong 1,720 kilometers East Northeast ng extreme Northern Luzon dakong 3:00 ng hapon.
Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 85 kilometers per hour malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 105 kilometers per hour.
Mabagal na tinatahak nito ang direksyong Hilagang-Kanluran.
Posible aniyang pumasok ang bagyo sa teritoryo ng bansa ngunit lalabas din sa araw ng Miyerkules patungo sa Southern part ng Japan.
Samantala, nakalabas na ng PAR ang isa pang LPA sa bahagi ng West Philippine Sea.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.