Limang kadete hindi pinasali sa PNPA graduation rites

Inquirer Photo / Nikko Dizon
Inquirer Photo / Nikko Dizon

Limang mga kadete ng Philippine National Police Academy (PNPA) Masundayaw Class of 2016 ang hindi nakasama sa mahigit 250 na mga magsisipagtapos ngayong araw dahil sa kinakaharap nilang mga kaso.

Ayon kay Chief Inspector Ritchie Yatar, PNPA spokesperson, ang limang kadete ay lumabag sa code of conduct ng akademiya tulad ng pagsisinungaling, pagnanakaw at pandaraya.

Isa sa kanila ay natuklasang naglalabas-masok sa kampo nang walang pahintulot.

Paliwanag ni Yatar, otomatikong hindi na makapagma martsa ngayong araw ang limang habang iniimbestigahan ng honor committee ang kanilang mga kaso.

Dalawa sa lima ay wala na sa kampo habang patuloy naman ang imbestigasyon sa tatlong iba pa.

Dagdag pa ni Yatar, kung maging paborable naman sa lima ang rekomendasyon ng honor committee may tsansa silang makapagtapos pa rin pero sa susunod na taon na.

Pero kapag hindi naging maganda ang resulta ng imbestigasyon, expelled o patatalsikin na sa akademiya ang mga ito.

Si Fire Inspector Felipe Alicando Jr., na isa ring licensed nurse ang Masundayaw class valedictorian. Tubong Dulag, Leyte si Alicando at nagtapos ng Bachelor’s Degree in Nursing sa Remedios Trinidad Romualdez Medical Foundation bago pumasok sa PNPA noong 2012.

Read more...