Pag-relax sa community quarantine, hindi dapat madaliin – Sen. Go
Hinimok ni Senator Christopher “Bong” Go ang gobyerno na pag-aralan munang mabuti ang sitwasyon sa mga lugar kung saan umiiral ang modified enhanced community quarantine (MECQ) o general community quarantine (GCQ).
Ito aniya ang dapat gawin bago magpatupad ng mas maluwag na community quarantine dahil nananatili pa rin ang banta ng COVID-19 at wala pang bakuna na panlaban sa nakakamatay na sakit.
“Ako, ‘wag natin madaliin. Unahin muna natin ang pagprotekta sa buhay ng bawat Pilipino,” bilin ni Go sa pagbubukas ng ika-85 Malasakit Center sa National Center for Mental Health sa Mandaluyong City.
Umapela rin rin ito sa mamamayan, “sumunod tayo sa IATF, sa ating Task Force, pinag-aaralan nila bawat araw, bawat linggo, bawat buwan ay pinag-aaralan po nila ang mga quarantine restrictions.”
Diin ng senador, mas mahalaga pa rin ang buhay kaysa sa pera.
“Ang pera po ay ating kikitain pero ang perang kikitain natin ay hindi po puwedeng bumili ng buhay dahil isang beses lang tayo mabubuhay dito sa mundong ito. Kaya ingat tayo, pangalagaan natin ang kalusugan ng bawat Pilipino, unahin po natin ang health, buhay ang unahin natin,” paliwanag pa nito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.