Hindi opsyon ang No-El ayon sa Comelec

BautistaNilinaw ni Commission on Elections (Comelec) Chairman Andres Bautista na hindi kasama sa kanilang opsyon ang No-El o no elections scenario matapos magpasya ang Korte Suprema hinggil sa pag-iisyu ng ballot receipts.

Sinabi ni Bautista na ang posibleng maapektuhan ay ang kanilang timetable kaya isa sa mga pinag-aaralan ay ang posibilidad na election postponement.

Ngayong araw magsasagawa ng en banc meeting ang Comelec kasama ang mga kinatawan mula sa Smartmatic para matukoy kung ano ang magiging epekto ng SC decision sa preparasyon para sa eleksyon.

Isa sa mga nakikitang scenario ng Comelec sa mismong araw ng eleksyon ay ang paghaba ng pila dahil makapagpapatagal ng proseso ang pag-iisyu ng resibo.

At dahil sa mahabang pila, posible ayon kay Bautista na maraming hindi na lang bumoto kapag nakita nila ang sitwasyon,

Isa pa mga kakaharaping problema ng Comelec ay ang training sa mga board of election inspectors.

Ani Bautista, nasa kalahati na ng mga guro na maninilbihang BEIs ang naisailalim na sa training pero hindi kasama sa pagsasanay ang tungkol sa pagbibigay ng resibo.

Ang iba pang matatalakay na epekto ng SC decision ay ialalahad ng Comelec sa ihahain nilang motion for reconsideration sa Mataas na Hukuman.

Itinuturing din ni Bautista na ito na ang pinakamalaking hamon na hinarap ng Comelec sa kanilang preparasyon para sa nalalapit na halalan.

Read more...